Giba Tribute to Monram

This tribute was originally written in September 4, 2021 and posted on Facebook by Ma. Cristina “Giba” Guevarra, a human rights activist. Ang mga litrato ay mula sa original FB post ni Giba.

MONRAM

Isa siya sa laging maaga sa kitaan ng anumang pagtitipon – kung hindi man kasabay naming dumating na mga maghahanda para sa aktibidad, minsan ay nauuna pa. Kapag nakita ka niya, babatiin ka niya at kukwentuhan ng kung anumang kagila-gilalas na obserbasyon niya sa araw na iyon, o kaya nama’y isang trivia, ideya o “random thought” na patungkol sa aktibidad, sa mga tao o mga kasama, o sa lugar kung saan kayo naroon.

Pagkatapos, hahanap siya ng pwesto sa audience, kung hindi man sa harapan, sa gilid, saanman basta kita niya ang lahat. Nakahanda ang camera, tahimik siyang pipitik sa kabuuan ng programa o aktibidad. Minsa’y lilipat ng pwesto at iikot, hindi agaw-pansin o agaw-eksena. Gayunman, madali siyang makita sa bulto ng mga photographer dahil umaangat ang plain niyang kamisetang minsan kulay violet, pero madalas kulay green. Siyempre pa, angat ang kanyang crowning glory na puting buhok.

Maaari kong sabihing pinakamalapit, o isa sa pinakamalapit, ang mga usaping HR (human rights) kay MonRam. Kahit sa maliliit na aktibidad ng Karapatan o ng mga organisasyon ng mga biktima, nandoon siya. Kasama kami lagi sa itinerary niya ng mga aktibidad. Nandoon siya sa pagtitipon ng mga kaanak ng pinaslang. Sinubaybayan niya ang paghahanap ng mga desaparecido. Nandiyan din siya lagi sa mga aktibidad para sa mga bilanggong pulitikal, bilang kapwa kakosa na nakulong sa ilalim ng batas militar ni Marcos.

Giba Tribute to Monram

Kung kaya, lagi ko nang inaasahan na bago matapos ang araw, mayroon akong matatanggap na litrato – “mga” kasi marami, isang buong album – sa pamamagitan ng link ng website sa e-mail, o kaya ay naka-tag na sa Facebook. Mula kay MonRam.

Kasama ang kanyang sariling caption, o piling mga pangungusap sa press release sa araw na iyon, naging source ang Arkibong Bayan ng mga larawan ng pakikibaka. Mapa-website man o Facebook page, naging “go-to” ito kapag kailangan ng litrato ng mga idinaos na aktibidad, visual aid o image sa mga presentasyon, accompanying photo para sa social media post, at iba pa.

Noon, direkta pang binubuksan ng marami ang Geocities site ng arkibongbayan.org, pero kalaunan ay sa Facebook na tumitingin ang mga tao para sa mga litrato at sa impormasyon. Bagamat namimili din siya ng mga litrato, ina-upload niya ang lahat ng pwedeng i-upload. Mayroon pang bonus tracks at ala-microsite na tribute sa mga martir sa website. Mayroon ding mga photocopy, o litrato ng mga papel na “archival” na tulad ng lumang publikasyon o dokumento. Minsan nga pati mga bagong press release, kukunan ni MonRam ng litrato ang papel para lang mailagay sa website kapag wala siyang soft copy. Kaya nga kalaunan, hiniling na niyang isama siya/sila sa mailing list ng mga PR.

Accidental archivist ang tawag niya sa sarili, noong pormal ko siyang ininterbyu para sa subject tungkol sa archiving principles and practices. Hindi lang siya ang tao sa likod ng Arkibong Bayan pero siya ang naging mukha nito. Tuwang tuwa siya na pumasa sa katangian ng archives ang Arkibong Bayan, hindi lang dahil may arkibo sa pangalan nito. Mas interes daw talaga niya ang pagkuha ng litrato, na nakahiligan niya nitong kanyang senior years. Kinuwento niya kung paano siya nagpa-pledge ng camera sa mga fraternity brods niya, laluna sa mga nasa abroad o iyong mga afford mag-donate. Ang sabi naman daw niya sa kanila, kahit hindi bago basta nagagamit. Ang resulta, nabibigyan siya lagi ng mas mataas ang specs (specifications) na camera, at brand new pa yata. Basta hindi pa sira, naipapamana pa niya ang pinaglumaang camera sa ibang kasama.

Giba Tribute to Monram

Makaka-relate ang marami, na kahit na maraming litratong nakuha si MonRam sa mga aktibidad o pagtitipon, lagi’t lagi niyang mapipili at maipapadala ang indibidwal na mga litrato ng mga taong nakunan niya sa aktibidad. Kuha niya ang kalakhan ng mga solo pictures ko sa mga rally, na ipapadala o ita-tag niya sa akin. Ilalabas niya ulit ang isa o ilang kuha kasabay ng pagbati niya sa akin ng happy birthday. Magkalapit kasi ang birthday namin: mauuna siyang bumati sa akin na may kasamang litrato, saka ko naman siya babatiin ilang araw pagkatapos. Biro niya sa akin, mas malapit daw ang birthday ko kay Einstein kaya mas okay daw iyon at bakasakaling maambunan ni Einstein ng kanyang IQ.

Samantalang siya itong topnotcher sa electrical engineering board exam noong panahon nila. Di ko ito nalaman kung hindi ko pa nabasa sa publikasyon kung saan o sinabi ng mga kasama’t kaibigan, at hindi ko rin nakumpirma sa kanya minsang nagkukwentuhan tungkol sa acads, sa UP. Masasabi kong subtle pero malakas ang “UP pride” ni MonRam. Nariyan ang tuwa niyang kumuha nang kumuha ng litrato basta sa campus ang venue. Nariyan ding sisilipin o dadaanan niya ang Beta Way para kumustahin ang daanan mula Engineering hanggang AS, na ipinagawa ng frat nila. Nariyan ding dahil nga ginawa kong thesis ang Arkibong Bayan, ginabayan niya ako sa maraming puntos kaugnay ng paksa na parang adviser lang. Nariyang inabangan niya ang pagtatapos ko, at dumalo rin sa graduation ceremonies — bilang kasama, kaibigan, lolo, at siyempre pa, para kumuha ng litrato. Salamat sa kanila ni Efren ES Ricalde, mayroon akong graduation photos.
Pero higit sa lahat ng iyan, pinaka-proud siya sa militanteng tradisyon ng kilusang kabataan, bilang naging bahagi nito. Dito pinakamasigla ang kanyang mga kwento. Ginawa pa niyang masthead ng Arkibong Bayan page ang malaking streamer na “Serve the People” na hawak ng mga kabataan sa isang rally. Lagi siyang nariyan kapag pinaparangalan ang mga martir, laluna mga kabataan. Sa kabila ng pagiging may-edad, ika nga, buhay ang youthful revolutionary vitality kay MonRam.

Engineer. Scientist. Archivist. Photographer. Nailarawan na siya nang maraming beses ayon sa mga nabanggit. Naisa-isa na rin sa maraming parangal ang mga samahang tinulungan niyang buuin at mga partikular na kampanyang itinaguyod. Pero higit sa lahat, gusto kong bigyang-diin dahil tumatagos ito sa lahat ng naging propesyon, career o organisasyon niya — higit sa lahat, aktibista at propagandista si MonRam.

Giba Tribute to Monram

Samantalang ginagamay pa rin ng marami sa atin ang Facebook o ang paggamit ng social media sa propaganda, ang sabi niya sa akin: “Sayang din yung 3,700+ friends mo na maaabot ng prop na ito. Imaximize ang prop via other friend’s wall. That is why, kapag may post ako na tingin ko good prop, pinopost ko sa maraming friends …(kung about HR). Mas marami ang maabot through their walls. Noong panahon kasi pinagtitiyagaan natin ang gawang v-type mimeo para makaabot ng prop. Ngayon may FB kaya imaximize natin.”

Kahit din “nerdy” ang kanyang mga hirit, joke at thoughts minsan, lapat ang mga pagtingin niya sa iba’t ibang bahagi ng gawain sa kilusang masa sa lungsod – partikular sa mga pagkilos, pagtitipon, talumpati, sa propaganda at paggamit ng social media, sa pakikipag-usap sa masa at hindi organisado. Simple din niyang ipiniprisinta ang mga ito. Sabihin na lang nating may sariling style o paraan si MonRam ng pagpapaliwanag. Hardcore sa kaibuturan, pero nagagawa niyang “chummy” ang pagpapaunawa ng mga punto.

Tulad nang binibiro niya na ako ang magtalumpati sa lightning rally noon graduation, huling hirit daw: “Ang pansin ko lang sa past UP graduation protest rally ay medyo unnecessarily mahaba kaya marami na ang inip dahil gusto na ngang awitin ang UP Naming Mahal at makauwi na at makapagpahinga, lalunat laging mainit ang panahon. Kaya napuputulan ng public address system at sisimulan na ng UP ang pag-awit. Sana ay gawin lang ninyong mga 5 minutes or so. Yung Gettysburg Address nga ay 2 minutes lang plus 3 minutes for photo ops slogans, bastante na.”

Ganyan si MonRam, chill at cool magbigay ng mga pagtingin. Mula rito, tandaan nating mahalagang maitulay ang mga aral at karanasan ng mga matatanda sa mga bata o mga sumunod na henerasyon. Sa kabilang banda, dapat ding maging bukas ang mga bata, sa praktika at “wisdom” ng mga may edad, at matuto sa mayamang karanasan at kasaysayan nila.

Bago ang pandemya, nabanggit niya sa akin ang tungkol sa mga pag-aayos sa Arkibong Bayan: “Dapat talaga magawa na ang The Best of Arkibong Bayan hehe. Sikapin namin this year, eh 10 Gig(abytes) kasi ang buo at malalabo na mga mata naming tatlong oldiers pero goldies dahil FQS at golden anniversary this January. Yung nagmamaintain ng new Arkibong Bayan ay late 60s na rin. At yung isa pa ay 70 na, mga gurang na.”

Ramdam ko ang inip at yamot niya dahil sa mga lockdown. Siguradong hanggang huli, hinanap-hanap ng katawan niya ang pagdalo sa mga pagkilos, pagtitipon, huntahan sa mga kasama at kaibigan, at siyempre pa ang pagpitik ng camera. Wala mang litrato noong binati niya ako sa birthday ko noong nagdaang taon, ang sabi niya: “Happy birthday Giba in the time of the veerus. Buti pa kayo hindi peyborit ng veerus di tulad naming septuagenarians na gustong gusto nila at akala naman nila ay wala kaming panglaban. Palaban yata ang aming ideolohiya! Maligayang Kaarawan!”

Nitong 2021, nasabi ko sa kanya na first birthday ko na wala ang lola ko. Tagumpay na raw na maabot ang edad na 86, habang siya ay siyam na taon pa bago maabot iyon. Dahil 77 na daw siya, “two times lucky 7 ang dating in the time of the pandemic.”

“Bueno, dito na lang,” ang huling mensahe niya sa akin ilang buwan bago siya pumanaw. Si Ka Mon, isa sa matatandang hangal na nag-ambag sa pagpapatag ng bundok. Lumikha siya ng maraming alaala, at nag-ambag sa pagiging bahagi ng kilusan ng mamamayan.

Sa archives, iniingatan ang mga bagay mula sa nakaraan dahil sa halaga nila ngayon at bukas. Maraming taon man ang lumipas, mananatiling mahalaga ang alaala at ambag ni MonRam, dahil ipagpapatuloy ng marami ang mga alaala na iningatan at pinahalagahan niya.

At sa propaganda, mula sa mayamang kasaysayan at pagiging wasto ng paninindigan para sa masa at nakararami, ang lagi niyang bilin: Ipalaganap! Ipalaganap! #


Maraming salamat Ka Mon. Ang aming pagpupugay. Pakikiramay muli sa inyong pamilya, Karl Ramirez. Maraming salamat. Mahigpit na yakap.

Giba Tribute to Monram

By arkibongbayanph

Arkibong Bayan is not just a simple repository. Before there was intense use of social media around the world, Monram through Arkibong Bayan digitally shared the vibrant stories of valiant struggle of the Filipino people (and the world) for human rights, peace, justice, democracy, and freedom.