#FreeAllPoliticalPrisoners

Ode to Wives of Political Prisoners

In celebration of Women’s Day, here’s a little ode to wives of political prisoners originally composed for the recent Valentine activity co-sponsored by the Karapatan network, “Sa ngalan ng pag-ibig: Harana sa mga bilanggong pulitikal at mga minamahal.” The narrative is based on the stories of the women who spoke in the activity about how they met their activist husbands: Nona (married to Ferdie Castillo), Sally (Emmanuel Bacarra), Gloria (Dionisio Almonte), Juliet (Leopoldo Caloza), and Meri (Bob Reyes). Other wives mentioned are Jeosi (Joel Enano), Lorraine (Rex Villaflor), Violy (Norberto Murillo), Abi (Armando Matres), Joy (Ireneo Atadero), Eve (Edisel Legaspi), Patricia Cora (Rey Casambre), Lengua (Maoj Maga) and Sharon (Adel Silva). And there’s me, Fides, a freelance writer/editor, who marks on March 8 my hubby Vic Ladlad’s fourth month of unjust imprisonment for trumped-up charges of planted firearms. The personal is political, more so for women like us wives of political prisoners.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
TULA-TULAAN SA ARAW NG MGA PUSO
ni Fides Lim
16 February 2019
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Sa Araw ng mga Puso, may mas mahalaga
Kaysa rosas, tsokalate o mamahaling sorpresa
Sa mga single na naghahanap o nakahanap na
Isip-isip muna sa pangangarap.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
May kasabihan ang ating mga ninuno
Ang pag-aasawa’y di gawang biro
Di tulad ito ng kaning isinusubo
Na mailuluwa kung ikaw ay mapaso.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Pagpulutan ng aral ang love story
Ni Nona, Gloria, Sally, Juliet at Meri
Valentino nila ay bilanggong pulitikal
Tinaniman ng baril at kasong kriminal
Pero di sila bibitiw sa paglaya ng minamahal.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Love at first sight nang masilayan ni Nona
Ang calculus books ng aktibistang si Ferdie
Four takes sa Math 11 kaya agad nabighani
At nang awitin nito ang “time in a bottle” sa gitara
Patak ng oras ay tumigil, pintig ng puso’y umarangkada.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Si Gloria, di agad nahumalina sa manliligaw na si Diony
Tila kusot kusot, kulang sa suklay, presko pa kahit pogi
Di rin type ng lola: Baka ikasal ka lang sa ilalim ng puno ng saging
Pero sa kalauna’y nakitang matikas, matalino, kumpleto ang ngipin
Nang tuluyang mag-ibigan ang magkaibigan, si lola ay boto na rin.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
“STRAW” ang unang nagbigkis kay Sally at Emmanuel
Student rights and welfare ang adhikain noong sila’y mag-aarál
Nang lumawak ang arena ng pagkilos, pagsinta ay umiral
Kahit wala sa tabi ang kabiyak nang isilang ang panganay
Pag-unawa’t pagtitiwala’y naghihintay pagka-uwi ng bahay.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Kay Juliet, may hihigit pa kay Romeo na ang pangalan ay Leopoldo
Tatag at dibdib ang baon mula Nueva Ecija hanggang Muntinlupa
Makapiling lamang ang bilanggong lider ng magsasakang obrero
Baun-baon din ang pahayag ng asawang buo lagi ang pag-asa:
“Kung ang sardinas kayang ilabas nang isa-isa sa lata, ako pa kaya?”
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Natawa si Meri nang pinasulat siya ni Bob ng love letter
Sino kaya ang tatamasa ng tamis na titik ng ghostwriter?
Laking gulat ng dilag nang ibinigay sa kanya ang sinulat niya
Aba, siya pala ang iniirog na sinuyo ng sarili niyang mga salita
At kaya pala ang Nanay niya laging may kape’t merienda.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Ako namang si Fides, kailangan ko pa kayang patunayan
Ang aking damdamin? Na walang takot na haharangin
Kahit anong police van para lang hanapin
Inarestong asawang si Vic Ladlad na hikain
Hinalugad ang Karingal, pero sa Bicutan din ang landing!
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Kaming mga kabiyak ng detenido kasama si Jeosi at Lorraine
Pati ng iba pa tulad ni Violy, Abi, Joy, Eve, Cora, Lengua at Sharon
May special antenna kahit sa kulungan bawal ang cellphone—
Ito ang wagas na pagsinta na unlimited ang data connection.
‍‍‍‍‍‍ ‍‍
Ang sabi nga, ang relationship ay may hangganan,
Magiging Forever lang kung pareho n’yong ipaglalaban.
Kahit anong taas ng pader kayang maalpasan
Para sa iyong minamahal at para sa bayan.

Kung mahal mo, ipaglaban mo!