Sa Alaala ni Engineer Recca Noelle Monte

September 5, 2018

Paano ba maging Engineer?

Mula sa depektibo, magkumpuni.
Mula sa kulang, magpayabong.
Mula sa mahina, magpalakas.
At mula sa luma, lumikha ng bago.

Noong kolehiyo, isang babaeng estudyante ng Eng’g sa UP Diliman ang nagpakilala sa akin ng esensya ng pagiging engineer, si Recca Noelle Monte.

Sa unang tingin, tipikal na kolehiyalang malakas ang dating – kaya naman hindi sasapat ang isang tingin. Maraming talento, matalino at mahusay ang disposisyon sa buhay kaya maraming kaibigan. Hindi maitatangging sikat sya sa campus dahil sa maganda niyang boses na laging nagtatanghal sa mga aktibidad. Kasapi siya ng Alay-Sining hanggang sa naging mahusay na organisador ng LFS ng Kolehiyo ng Eng’g.

Malaking challenge para sa aming mga aktibista sa Eng’g ang magrecruit ng miyembro. Bagama’t handang makinig ang karamihan sa progresibong ideya ng aktibismo, kontradiksyon ang mabigat na acads. Madalas pang tuyain ang mga taga-Engg na apatetiko o walang paki sa lipunan. Lagi namin itong pinasusubalian.

Sa husay, sipag at pamumuno ni Recca, naging isa ang Engg sa dumami ang kasapian ng pangmasang organisasyon. Makasaysayan ang walk-out ng mga estudyante laban sa budget-cut noong 2000 dahil sa dami ng mga taga-Engg na lumahok. Marami sa mga dumalo ay naging aktibista at hanggang ngayon ay sumusuporta pa rin.

Ilang taon pa sa Eng’g, nagpasya na syang maging Engineer na hindi kailangan ng diploma o lisensya. Nagtungo sya sa Cordillera para sumapi sa NPA at tulungan ang mga magsasaka at katutubo sa mga problemang kinakaharap nila. Inaral ang kalagayan nila – lenguwahe, kultura at kabuhayan. Nagtayo ng mga mini-hydro na pagkukunan ng kuryente, tumulong sa pagpapaunlad ng pagsasaka at irigasyon, sinuri ang pangunahing problema ng mga katutubo at tumulong sa pagpapalakas ng kanilang organisasyon.

Sa mahigit isang dekada nyang pamamalagi sa kasuluk-sulukan ng kabundukan ng Cordillera, Engineer si Recca. Higit pa, propesor din sya, at chef, at duktor, at abugado, at artista, at manunulat, at mandirigma. Pinatunayan niyang hindi diploma ang sukatan ng halaga ng buhay ng isang tao kundi sa pagmaksimisa ng talento at oras para paglingkuran ang sambayanan.

September 4, 2014, pitong kasapi ng NPA ang namatay sa labanan sa Lacub, Abra. Dalawang sibilyan pa ang pinatay dalawang araw pagkalipas. Isa si Recca sa namatay. Walang tama ng bala ngunit nadurog ang bungo sa pagkakahampas ng matigas na bagay sa kanyang mukha. Patunay sa paglapastangan ng mga sundalo sa internasyunal na batas ng digma.

Namatay si Recca ngunit hindi ang mga bagay na ipinundar niyang itayo bilang Engineer ng isang lipunang bago, wasto, moderno, matatag at makatao. Sa probinsya ng Kalinga kung saan siya minahal at niyakap ng masa, nananatili ang alaala nya lalo’t walang-patid ang tangkang tayuan ng dam ang Chico River. Sa mga kaibigan, pamilya at kasama nya bago siya naging mandirigma, inspirasyon ang alaala nya para patuloy na magpunyagi na maglingkod at tumulong sa gitna ng pagtindi ng tiraniya ng kasalukuyang rehimen.

Marami pang engineer sa kanayunan, patuloy silang dumarami at hinding-hindi sila mauubos, bagkus ay magtatagumpay sila kasama ang sambayanan.